30 Marso 2006
Isa sa mga katangian ng tunog at musika na isinangtabi sa musikang popular ay ang “dynamics”, o ang agwat ng mahina at malakas na tunog. Sa karaniwang pananalita o pagaawit, mahalaga ang dynamics sa pagpapahiwatig ng damdamin. Subali't dahil sa kakulangan ng kagamitang elektronika, pinapantay (sa pamamagitan ng “compression”) ang lakas ng karamihan ng rekording ng musikang popular. Malaki ring isyu sa recording ang tinatawag na “loudness wars”. Base ito sa paniniwala ng marami na mas nakaka-akit ang isang recording kapag malakas ang level nito. Bagama't naging uso ang palakasan ng tunog, hindi ako pabor dito sapagkat nawawala ang natural na “dynamics” ng musika. Naniniwala ako na sa loob ng isang kanta, may panahon na talaga dapat mahina, at may panahon din na dapat malakas ang level. Pero dahil sa sobrang paggamit ng compression, lahat na lang ng kanta ay nagiging pantay ang lakas, at naiipit ang dynamics. Nawawala ang pagiging natural ang musika. Ang konsepto ng tunog na sinulong ko sa album na ito at gawing parang kaharap mo ang banda sa isang club. Sa simula pa lang ng proyekto, pinagpasyahan ko na na dapat bigyang pansin ang dynamics sa tugtugan at sa rekording.
Nung natapos na ang mixing, maraming ibat-ibang paraan ang sinubok namin sa mastering. Una, gumawa si Shinji ng apat na uring kombinasyon ng “compression” at “equalization”. Paulit-ulti namin pinakinggan hanggang makapili kami ng pinakamainam na kombinasyon, tapos nag “burn” kami ng kopya. Ngunit ng pinakiggan ko sa bahay ng sumunod na araw, hindi ko nagustuhan ang tunog. Nagtaka ang asawa ko kung bakit parang lumiit ang tunog. Sa akin naman, napansin kong parang nag-aagawan ang boses at mga instrumento.
Bumalik kami sa studio, at napagpasyahan namin ni Shinji na huwag nang i-compress ang tunog. Itinaas namin ang level ng mga kanta, subali't binantayan naming mabuti na hindi ito hahantung sa “distortion”. Ang resulta, parang mas mahina ang lakas ng pangkalahatang tunog, kung ikukumpara na karamihan ng mga popular na rekording. Pero mas mahalaga sa akin na maging “transparent” o natural ang tunog.
Inaamin kong may pagka ”old-school” ganitong lapit, pero mas mahalaga sa aking maging madamdamin ang musika, kaysa sa mabahala sa pagiging makaluma nito. At kung mahihinaan kayo sa level ng rekording, madali naman ang lunas: itaas lang ang “volume”.